Page 41 - Legal Documents
P. 41
Ang DRRM Act
Bakit kinakailangan pahalagahan ang mga disaster?
Nagdudulot ng pagkasira ng komunidad ang mga disaster. Marami ang namamatay.
Bumabagsak ang mga kabuhayan. Nagbabago ang mukha ng kapaligiran. Bumabaon ang
mapait na karanasan sa kaisipan ng mga nasalanta. Matindi ang nagiging pinsala sa
ekonomiya ng buong komunidad at bansa. Para sa Pilipinas, malaking hadlang sa kaunlaran
ang mga disaster.
Ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang madalas mapinsala ng mga disaster. Maiuugat ito
sa mapanganib na pisikal na katangian at lokasyon ng bansa. Madalas ang mga lindol at
nagkalat ang mga bulkan dahil nasa Pacific Ring of Fire ang Pilipinas. Unang tumatama sa
bansa ang mga bagyong nagmumula sa karagatan ng Pasipiko.
Bukod sa mga likas na dahilan, may mga panganib na dulot ng politika at pag‐uugnayan ng
mga tao, ng mga gawaing pang‐ekonomiya at ng mga di‐angkop na teknolohiya. Marami
ang napipilitang lumikas dahil sa mga digmaan. Gumuguho ang mga gusali kapag lumindol
dahil sa mahihinang imprastruktura. Naaapektuhan ang kalusugan ng mga tao kung
malubha ang polusyon lupa, dagat at hangin.
Nagiging disaster lamang ang mga panganib kung tumama ito sa mga taong mataas
ang bulnerabilidad. Tumataas ang pinsala sa mga mahihirap, mga may sakit at may
kapansanan, mga matatanda at mga kabataan, at mga kababaihan. Bagamat maraming
tao ang napipinsala, higit na nahihirapang humarap at makabangon ang mga nasa
bulnerableng sektor kapag tinamaan ng disaster.
Dahil dito, kailangang palakasin ang kapasidad mga bulnerableng sektor. Sa pagpapalakas
sa kanila, maaalpasan nila ang pagiging biktima at magiging tagapagdaloy sila ng
makabuluhang pagbabago sa komunidad.
Ano ang DRRM Act?
Ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act (DRRM Act) ang batas na
nagsasaad kung paano pangangasiwain ang pagbawas ng risgo at tutugon sa mga disaster.
Isinabatas ang DRRM Act o Republic Act No. 10121 (R.A. 10121) noong ika‐27 ng Mayo, 2010.
Binago ng lubusan nito ang sistema ng Pilipinas sa pagtugon sa mga disaster. Pinalitan nito
ang dating batas, Presidential Decree No. 1566 (P.D. 1566), na isinabatas pa noong June 11,
1978, tatlong dekada na ang nakaraan.
4 R.A. 10121: Disaster Risk Reduction & Management Act